ARALIN 2 : REPORMASYONG PROTESTANTE

 


Matapos ang basahin ang blog na ito, inaasahan na iyong:

1. Matatalakay ang dahilan ng pagtiwalag ni Martin Luther sa Rome;
 
2. Mababakas ang Digmaang Panrelihiyon sa Alemanya; at 
 
3. Matutunton ang paglaganap ng Kilusang Protestante. 


     Ang katawagan sa mga kaganapan na yumanig sa kakristyanuhan mula ika-14 hanggang ika-17 na dantaon na humantong sa pagkakahati ng simbahang Kristyano. Dito nagsimula ang paghihiwaly ng mga Protestante sa simbahang Katoliko Romano, 13 gayunpaman hindi nagpabaya ang mga Katoliko Romano, sinimulan nila ang pagbabago sa sariling relihiyon nang hindi binabago ang kanilang doktrina.

                                
        Isa sa pumuna sa simbahan ay isang Ingles na si John Wycliffe( 1320-84). Naging bahagi ng mga doktrina ng mga Protestante ang kaniyang paniniwala na ang tao ay maaaring makipag-usap ng tuwiran sa Diyos at hindi na kailangan ng simbahan at mga pari. Ang doktrina ng Transubstiation ay kanya ring kinuwestyon, ito ay ang pagtanggap ng ostiya at alak bilang katawan at dugo ni Kristo. 


  Lumitaw si John Huss (1369-1415), isang Bohemian na naging tagasunod at nagtuloy sa ipinanukala ni Wycliffe. Binansagan niyang “Institusyon ni Satanas” ang institusyon ng pagka Papa.


        Inatake naman ng Italyanong si Girolano Bonarola (1452 – 1528) ang karangyaan ng simbahan at Estado.

                                                                    
        At si Erasmus (1466- 1536) sa kaniyang Praise of Folly (Papuri sa Kamangmangan) itinuloy niya ang pagreporma sa masamang gawain ng mga pari. Bagamat malungkot ang sinapit ng mga repormistang ito (sinunog sila bilang erehe) ang kanilang nasimulan ay pinagpatuloy at binigyang kaganapan sa katauhan ng isang Aleman na si Martin Luther.



                                                                                    
Martin Luther, Ama ng Protestanteng Paghihimagsik
                 Isang mongheng Augustinian at naging Propesor ng Teolohiya sa Unibersidad ng Wittenberg. Nabagabag siya at nagsimulang magduda ng mabasa niya ang kaibahan ng katuruan ng simbahan sa katuruan ng Bibliya tungkol sa kaligtasan….”Ang pagpapawalang sala ng Diyos sa mga tao ay nagsisismula sa pananampalataya, at naging ganap sa pamamagitan ng pananampalataya ”(Roman 1:17).
         
        Ang pag-aalinlangan at pagdududa ni Martin Luther sa bisa at kapangyarihan ng mga relikya ay kanyang napatunayan sa pagdalaw niya sa Roma noong 1571. Nagpasiklab ng galit ni Luther ang kasuklam-suklam na gawain ng simbahan, ang pagbenta ng indulhensya, kapirasong papel na nagsasaad at nagpalabas na ang grasya ng Diyos ng maaring ipagbili at bilhin para sa kapatawaran at kaligtasan ng tao. Para kay Luther ang tanging daan tungo sa kaligtasan ay ang buong pusong pananampalataya sa Diyos. Napag-alaman na ni Luther na isinagawa ni John Tetzel, isang Prayleng Dominikano, ang pagbebenta ng indulhensya na iniutos ni Pope Juluis II, na ipinagpatuloy ni Pope Leo X, para sa pagapapagawa ng mas lalong pinagandang simbahan na St Peter’s Basilica.
                       
        Ang hindi pagsang-ayon ni Luther sa patakaran ng simbahan tungkol sa pagkamit ng indulhensya, ang nagtulak sa kanya para ipaskil sa pintuan ng simbahan, noong ika-31 ng Oktubre, 1517 ang kanyang “Siyamnapu’t limang Proposisyon”(Ninety-five theses).
        
        Bukod sa hindi pagkilala sa proposisyon ni Luther, binalaan pa si Luther ng ekskomunikasyon at pagpapalabas ng Papal Bull noong Hulyo 1520, binigyn siya ng animnapung araw na palugit para pabulaanan ang kaniyang mga tuligsa sa Simbahang Katoliko. Pagsunog sa dokumento sa harap ng maraming tao ang naging kasagutan ni Luther na nagresulta sa pagdeklara s kanya bilang erehe. Kinupkop siya ng mga makapangyarihang tagapagtanggol, mga prinsipe at hari na nagnanais na makalaya ang lokal sa simbahan sa mga imposisyon ng panghihimasok ng Roma. Itinungo siya sa palasyo ng Wartburg na pag-aari ni Haring Elector Frederick ng Saxony. Sa panahong ito, nagkakaroon siya ng pagkakataon na isalin ang Bibliya sa Aleman na lalong nagpatingkad sa kanyang katanyayagan. Sa pagbabalik niya sa Wittenberg noong 1522, naitatag ang simbahang Luther.
        Nagbigay ng maling interpretasyon ang pag-atake ni Luther sa simbahan. Sa udyok ng mga panatikong tagasunod ng relihiyon, nagkaroon ng Digmaan ng mga Pesante noong 1524 na tumagal ng dalawang taon. Sa kapakanang ito, bagamat walang kinalaman ni Luther, siya ang naging tampulan ng sisi, dahil dito, ang Lutherianismo sa Timog Alemanya ay hindi nagtagal at nagbalik sigla sa lakas ng Katolisismo. 
        Isinasaad ang mga paniniwala at aral ng Lutherianismo sa AUGSBURG CONFESSIONS na inihanda nina Luther at Philip Melanethon. Binigyan din ng dokumentong ito ang mga kredo at katuruang Lutherian, na ang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap at pananalig kay Jesus lamang at hindi sa mga sakramento ng simbahan o paggawa ng kabutihan. Ang tanging awtoridad para sa buhay ispiritwal ng tao ay nasa Bibliya lamang.
          Kumalat sa iba’t-ibang bayan ng Alemanya ang kapangyarihan ni Luther. Noong taong 1529, nagbigay ang mga sumusuportang estado at bayang Aleman ng isang “protestasyon”- ang pinagmulan ng salitang “Protestante”(ang mga sumasalungat sa mga mamamayang Katoliko) sa emperador ng Banal na Emperyong Romano na nananawagan sa pagwawakas sa paghihimagsik ng simbahan. Pagkatapos ng ilang taong alitan ng Protestante at Katoliko Romano na hanggang humantong sa digmaan, tinapos ni Charles V ang panrelihiyong digmaan sa pamamagitan ng paglagda sa “Kapayapaang Augsburg” nooong 1555. Nasasaad sa kasunduan na kilalanin ang kapangyarihan ng mga hari o namumuno na malayang pumili ng relihiyonang kanilang nasasakupan.



Ang Calvimismo at iba pang mga Simbahang Protestante 

                                                
        Sa Geneve, Switzerland ang kilusang Repormista ay pinamumunuan nina Jean Corin (1509-64) tunay na pangalan John Calvin. Noong 1536, ipinalabas ni Calvin ang kanyang aklat na The Institute of Christian Religion. Katipunan ito ng mga paniniwala ng mga Protestante na kung tawagin ay “predestination” ayon sa kaniyang paniniwala sa kapalaran bago pa man isinilang ang tao, nakaguhit na sa kanyang palad kung anong uri ng buhay dito ang mapapasakanya. Kaya ang bawat tao, bago pa isilang, ay nakatakda ng mabuhay sa loob o sa labas ng biyaya ng Diyos. Isa pang prinsipyo ng Calvinism ay ang payak na pamumuhay, naniniwala sila na ang mundo ay seryosong lugar at ang tao ay nabubuhay dito hindi upang magsaya. Ang lahat ng kamunduhan at iba pang luho sa buhay ay mga bagay na nagmula kay Satanas.


                                                    
            Sa kalaunan, lumitaw sa buong Europa ang iba’t-ibang sekta ng Calvinism. Isang disipulo ni John Calvin, si John Knox ang nagtatag ng Simbahang Presbyteria sa Scotland at nang makarating ito sa Inglatera, tinawag itong Puritanismo.
        Mayroon ding isang grupo na hindi kasing dami at kasing tanyag ng mga tagasunod ng Lutheranism at Calvinism, ang tawag sa sektang ito ay Anabaptist na ang ibig sabihin ay “Binyagang Muli”. Naniniwala ng grupong ito na ang sakramento ng binyag ay nararapat lamang ibigay sa taong nasa wastong gulang na para gumawa ng sariling desisyon kung talagang gusto nilang sumapi sa sektang ito. Isang sangay pa ng Preotestantismo ay ang Socinian, pinaniniwalaan nila na si Kristo ay isang dakila at mahusay na guro at hindi dapat na ituring na Diyos; at ang mga Armenian, na bagamat naging tagasunod ng Calvanism, naniniwalang ang tao ng malayang piliin ang kanyang landasin sa buhay, taliwas sa mga aral ng Calvanism, na itinakda na ng Diyos ang kasasapitan ng tao. Ang mga unang sekto ng Protestantismong nabanggit ang nagbigay daan sa mga kasalukuyang Simbahang Protestante.


                                                   Ang Repormasyon sa Inglatera 
                                                        
          Sa Inglatera, naging pinuno ng Repormasyon ay si Haring Henry VIII (1509-1547). Dati siyang tagapagtanggol ng Katolisismo laban sa mga Lutheran noong 1520, kaya iginawad sa kanya ng Papa ang titulong “Tagapagtanggol ng Katolisismo”.
                                    

              Nagsimula ang paglaganap ng Protestantismo sa Inglatera ng hindi sinasang-ayunan ng Papa Clement VII ang pagpawalang-bisa ng kanyang kasal kay Catherine ng Aragon. Itinitibok ng puso niya noon at gustong pakasalan ay si Anne Boleyn, na sa paniniwala niya ay mabibigyan siya ng anak na lalaki upang maging tagpamana ng trono, na hindi naipagkakaloob sa kanya ni Catherine ng Aragon.
                            
          
Kahit walang permiso ang Papa, pinakasalan ni Henry si Anne Boleyn, dahil dito inekskomunikado siya ng Papa. Ito ang naging mitsa sa paghihiwalay ng Simbahang Inggles sa Roma. Bilang ganti, naglabas si Henry ng diskreto mula 1529 hanggang 1536 na nagtatatag sa ilalim ng Act of Supremacy (1534) na nagdeklara sa hari bilang pinakamataas na puno ng simbahan ng Inglatera. Ang Inglatera ay naging tunay na Protestante sa mahabang pamumuno ng anak ni Henry at Anne Boleyn na si Elizabeth I (1558-1603).  



                                
MGA DAPAT TANDAAN
  •  Malaking pagbabago ang naganap sa Simbahang Katoliko noong 14-17 dantaon kung saan maraming mga turo at gawi ng simbahan ang direktang tinulugsa ng mga repormista. 
  •  Sina John Wycliffe ng England, John Huss ng Bohemia, Savaranola ng Italy at Erasmus ng Totterdem ang kilalang repormistang nanguna sa pangunguwestyon hinggil sa pagpapalawak ng ari-arian at luho ng Papa, pagbenta ngposisyon ng simbahan, mga imoralidad ng mga pari at mga doktrina ng simbahan na taliwas sa turo ni Kristo. 
  •  Si Martin Luther, ama ng protestanteng paghihimagsik, ang lalaking nanguna sa pagbabago ng imahe ng ka-kristyanuhan. 
  •  Ang paghihimagsik ni Luther ay sinamanatala ng mga magsasaka na mag-aklas laban sa kanilang mga panginoong my lupa ay nagbunga ng malaking pinsala sa timog na bagi ng Alemanya na nagresulta sa pagkasira ng adhikain ng mga Lutheran.
  • Sa kabila ng pagkasira ng pangalan ni Martin Luther, mabilis pa ring umunlad ang kanyang itinatag na kilusan.


Para sa karagdagang kaalaman, at advance na kaalaman para sa susunod na talakayan sa podcast maaaring i-click ang link na ito: https://www.youtube.com/watch?v=qxE6mky0LR0

Comments

Popular posts from this blog

ARALIN 1: BAHAGING GINAMPANAN NG SIMBAHANG KATOLIKO SA PAGLAKAS NG EUROPA